ATHAG, ipinakilala at nagsagawa ng Hilot sa Bukidnon

Malaybalay, Bukidnon– Nagsagawa ang ATHAG ng panggagamot at pagpapakilala ng Hilot sa malamig at bulubunduking lungsod na ito noong ika-17 hanggang ika-20 ng Agosto 2013. Ipinakilala ni Dr. Bibiano “Boy” Fajardo, sa tulong ng ATHAG Hilot therapist na si Karen Reyes, ang siyensiya ng Hilot sa mga monghe at madre sa Monastery of the Transfiguration sa Brgy. San Jose, Lungsod ng Malaybalay.

Sina Dr. Fajardo at ang ATHAG ay kinumbida ni Fr. Columbano Adag, O.S.B.,ang Subprior ng nasabing monasteryo. Nais ni Fr. Adag na maranasan din ng mga monghe at madre ang kagalingan ng Hilot sa pagpapanumbalik ng kalusugan, dahil naranasan niya mismo ito ilang buwan na ang nakalipas. 

Ang kwento ng paggaling ni Fr. Adag

Masayang ipinakilala ni Fr. Columbano Adag si Dr. Bibiano Fajardo sa mga monghe ng Monastery of the Transfiguration.

Masayang ipinakilala ni Fr. Columbano Adag si Dr. Bibiano Fajardo sa mga monghe ng Monastery of the Transfiguration.

Noong buwan ng Marso nitong taon, tumulak si Fr. Adag papunta sa Maynila upang lumahok sa paglulunsad ng aklat na “50 Inspiring Stories of Agri-Entrepreneurs,” ng Go Negosyo kung saan kabilang ang monasteryo dahil sa produkto nitong Monk’s Blend Premium Coffee.

Ngunit pagdating ng araw ng paglulunsad, hindi makabangon si Fr. Adag dahil sa matinding sakit na dulot ng rayuma. Dahil siya ay tumutuloy sa bahay ng isang kaibigan ni Dr. Fajardo, humingi ito ng tulong para sa kanya. Ngunit dahil sa layo at kakulangan sa oras, hindi napuntahan ni Dr. Fajardo si Fr. Adag sa tinutuluyan nito sa Alabang. Sa halip ay gumamit muna si Dr. Fajardo ng tradisyonal na paraan ng Hilot upang pansamantalang maibsan ang sakit at makadalo si Fr. Adag sa paglulunsad. Sinabihan niya itong pumunta sa opisina ng ATHAG kinabukasan.

Noong sumunod na araw ay nagtungo nga si Fr. Adag sa opisina ng ATHAG. Kinailangan siyang buhatin paakyat ng hagdan, dahil bumalik na ang matinding sakit. Matapos matukoy ang pinagmumulan ng karamdaman ni Fr. Adag, nagrekomenda si Dr. Fajardo ng programang Hilot at Herbal para sa kanya.

Makalipas ang ilang pagpapa-Hilot, nakalakad na muli si Fr. Adag. Pagkaraan ng dalawang buwan ng gamutang Hilot at Herbal,  laking gulat ng mga monghe at madre sa monasteryo dahil tumatakbo na si Fr. Adag paakyat ng hagdan. Bago kasi ito nagtungo ng Maynila, gumagamit siya ng walker upang makalakad sa paligid ng monasteryo.

Dahil sa kanyang mabilis na paggaling, gumawa ng paraan si Fr. Adag upang dalhin si Dr. Fajardo sa kanilang bulubunduking lungsod. Nais niyang maranasan ng mga monghe, madre, at ng iba pang mga taga-Malaybalay ang kagalingan ng Hilot.

Hilot: Pagpapaliwanag at panggagamot

Noong umaga ng ika-17 ng Agosto, ipinaliwanag ni Dr. Fajardo ang siyensiya at sining ng gamutang Hilot-Herbal sa

Habang pinapaliwanag ni Dr. Bibiano Fajardo ang tamang proseso ng Hilot, pinapakita naman ni Karen Reyes,  Hilot therapist ng ATHAG, kung paano ito gawin.

Habang pinapaliwanag ni Dr. Bibiano Fajardo ang tamang proseso ng Hilot, pinapakita naman ni Karen Reyes, Hilot therapist ng ATHAG, kung paano ito gawin.

mga monghe ng monasteryo at pati na din kina Mr. and Mrs. Ramos. Habang siya ay nagpapaliwanag ng paraan ng Hilot, isinama na din ni Dr. Fajardo ang pagtukoy ng karamdaman ng mga monghe. Pagkatukoy ng kanilang karamdaman ay isinagawa na ni Karen ang Hilot.  Pagdating ng hapon, ito din ang ginawa nila sa kumbento ng mga madre.

Sa sumunod na araw, Linggo, ika-18 ng Agosto, maraming pasyente ang lumapit kay Dr. Fajardo pagkatapos ng misa. Habang hinihilot ni Karen ang ibang monghe, si Dr. Fajardo ay ginamot din ang mga taong nagpatulong sa kanya.

Isa sa mga lumapit kay Dr. Fajardo ay isang 81 na taong gulang na biyuda na ang pangalan ay Alice. Ang kamay niya ay walong buwan nang naka-brace. Hindi niya maigalaw ito dahil sa matinding sakit. Ayon kay Alice, dapat daw ay ipapaopera ang kanyang kamay, ngunit wala siyang pera para sa operasyon at sa physical therapy na kakailanganin niya pagkatapos.

Pinatanggal ni Dr. Fajardo ang kanyang brace, at isinagawa ang Hilot sa kanyang kamay. Makalipas ang dalawampung minuto, lubos na natuwa si Alice dahil naigagalaw na niya ang kanyang kamay at naibsan na ang sakit. Tinuruan din ni Dr. Fajardo si Alice kung paano tapalan ng luya ang kanyang kamay upang lalo pang guminhawa ang kanyang pakiramdam.

Noong hapong iyon, tumungo sina Dr. Fajardo at Karen sa kanilang pangalawang host, ang pamilya nina  Gng. Nena Ma, kung saan ginawa din nila ang Hilot para sa ilang miyembro ng pamilya.

Hilot seminar at pakikipag-ugnayan

Si Dr. Bibiano Fajardo habang ginagawa ang Hilot sa isang pasyente sa Malaybalay.

Si Dr. Bibiano Fajardo habang ginagawa ang Hilot sa isang pasyente sa Malaybalay.

Sa kanilang pangatlong araw sa Malaybalay, nagkaroon ng isang buong araw na seminar sa Katedral para sa mga miyembro ng simbahan na nais matuto ng Hilot. Sa gitna ng pagtuturo at pagpapakita ng tamang paraan ng Hilot, inasikaso din ni Dr. Fajardo ang mga taong nais magpatulong sa kanya.

Sa umaga naman ng kanilang huling araw sa Malaybalay, pinag-usapan nina Dr. Fajardo at mga opisyal ng health department ang posibilidad ng pagkakaroon ng higit pang training ng Hilot sa pamamagitan ng pormal na pakikipag-ugnayan.

Advertisements

2 thoughts on “ATHAG, ipinakilala at nagsagawa ng Hilot sa Bukidnon

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s