Hilot, itinampok bilang isang mahalagang bahagi ng kulturang Batangueño

Nakikinig ang mga estudyanteng kasali sa Ateneo Cultural Laboratory habang ipinapaliwanag ni Dr. Bibiano "Boy" Fajardo kung ano ang Hilot.

Nakikinig ang mga estudyanteng kasali sa Ateneo Cultural Laboratory habang ipinapaliwanag ni Dr. Bibiano “Boy” Fajardo kung ano ang Hilot.

BALAYAN, Batangas- Noong ika-30 ng Abril 2014, itinampok ng Ateneo Cultural Laboratory ang Hilot bilang isa sa mga mahahalagang bahagi ng kultura ng probinsiyang ito na dapat panatilihin at palaganapin.

Kinumbida si Dr. Bibiano “Boy” Fajardo, pangulo ng ATHAG na halos limampung taon nang manghihilot at albularyo, upang ipaliwanag sa labintatlong estudyante na kasama sa Cultural Laboratory kung ano talaga ang Hilot.

Sa loob ng Casa Grande (ang sinaunang bahay ng pamilya Lopez na ginawa nang museum) inilarawan ni Dr. Fajardo kung ano ang Hilot at kung sino ang mga gumagawa nito. Ipinaliwanag din niya kung paanong ang Hilot ay nakaugat sa siyensiya, at kung ano ano ang kinalaman ng mga engkanto tulad ng duwende, diwata, tiyanak, at sirena sa karamdaman ng mga pasyenteng nagpupunta sa albularyo. Ibinahagi din ni Dr. Fajardo ang kuwento ng mga kilalang albularyo at manghihilot sa Batangas na nagturo sa kanya maraming taon na ang nakakaraan.

Pagkatapos ng lektyur ni Dr. Fajardo, lumipat ang mga estudyante sa ibang bahagi ng Casa Grande upang makinig kay G. Renato Martinez, na siyang nagtalakay ng isa pang mahalang bahagi ng kulturang Batangueño—ang napakasarap at purong “Tsokolate Eh.” Habang isinasalaysay ni G. Martinez kung paano niya itinayo ang kanyang kumpanyang Cacao Filipina upang itaguyod ang tradisyong ito, binigyan ang mga estudyante ng mainit na tsokolate upang malasap nila tunay na sarap nito. Pagkatapos ng pagbabahagi, pinabaunan pa ang mga kalahok ng bagoong balayan na inihanda ng lokal na pamahalaan ng Balayan.

Bago mag-umpisa ang mga nasabing talakayan, inikot na ng mga estudyante ang Casa Grande upang pagmasdan ang kagandahan ng lumang arkitektura nito, at upang pag-aralan ang exhibit tungkol sa digmaang Pilipino-Amerikano at ang papel na ginampanan ng pamilya Lopez noong makasaysayang panahong iyon.

Ang Ateneo Cultural Laboratory ay isang kursong nakatuon sa pag-aaral, pagpapanatili, at pagpapalaganap ng kultura ng iba’t ibang mga distrito, lungkod, at bayan sa Pilipinas. Ang programang ito ay pinamumunuan ng direktor na si Dr. Fernando Zialcita ng Departamento ng Sosyolohiya at Antropolohiya, at ng co-director na si Bb. Nota Magno.

Natuwa si Bb. Vicky Lopez ng The Lopez of Balayan, Batangas Foundation, sa kinalabasan ng pagbisita ng Ateneo Cultural Laboratory. Ipinahayag niya ang kanyang galak na sa umagang iyon ay namalas at naranasan ng mga estudyante ang kultura at kasaysayan ng kanyang minamahal na Casa Grande at bayan ng Balayan.

 

 

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s