Hilot: Tradisyon at Siyensiya

Ang Hilot ay ang katutubong paraan ng panggagamot sa Pilipinas.

Hindi malinaw kung kailan ito nagsimula, dahil wala pang natatagpuan na mga lumang kasulatan na nagsasaad kung gaano na talaga ito katagal ginagawa ng ating mga ninuno. Ngunit malinaw na ang Hilot ay isang mahalagang bahagi ng kulturang Pilipino, dahil ito ay matatagpuan sa buong Pilipinas. Magkaiba man ang tawag dito sa iba’t ibang wika, at sari-sari man ang istilo na ginagamit sa iba’t ibang isla, hindi maikakaila na ang mga katutubong manggagamot ay pareho ang pinag-uugatang prinsipyo ng pagpapagaling ng karamdaman.

 

Ang Tradisyon ng Hilot 

Ang Hilot ay laganap sa ating bansa, ngunit hindi ito naiintindihan ng karamihan. Kahit ang mga taong gumaling dahil sa Hilot ay hindi maipaliwanag kung paano sila gumaling. Ang alam lang nila ay bumuti at gumaan ang kanilang pakiramdam pagkatapos nilang magpahilot at sundin ang payo ng albularyo ukol sa halamang gamot at tamang pagkain.

Kapag tinanong naman ang albularyo o manghihilot hinggil dito, malamang ang karaniwang tao ay hindi rin maliliwanagan. Malamang ipapaliwanag ng albularyo ang Hilot gamit ang wika kung paano niya ito natutunan—sa pamamagitan ng espiritu, engkanto, kulam, at iba pa. Ito ay bahagi ng dahilan kung bakit ang Hilot, bilang isang paraan ng panggagamot, ay naisantabi pagpasok ng kanluraning paraan ng panggagamot, na nagsasabing lahat ay dapat naka-ugat sa siyensiya.

Diyos ang pinagmumulan ng lahat. Ang Hilot ay nakaugat sa malalim na paniniwala sa Diyos (tinatawag din na Espiritu ng mga albularyo), na siyang pagmumulan ng buhay. Ang Diyos (o Espiritu) ay matatagpuan sa lahat ng sulok ng daigdig, at maging sa bawat nilalang. Ang Diyos ay pag-ibig—kung kaya nararamdaman natin Siya sa pag-ibig at paglilingkod na walang pasubali (unconditional love and service).

Isip, damdamin, at katawan. Ang Hilot ay isang paraan ng panggagamot na tumatanaw sa Kabuoan ng tao, kaya ang konsepto ng kalusugan ng Hilot ay sumasaklaw hindi lamang sa pisikal na pangangatawan, kundi pati sa isip at damdamin. Sa Hilot, ang malusog na tao ay siyang may malinaw na pag-iisip at mahinahong damdamin, malakas na buto at matikas na kalamnan, at namumuhay ng payapa.

Ang Apat na Elemento ng katawan. Pagdating sa katawan, ang Hilot ay sumusunod sa paniniwalang ang tao ay binubuo ng apat na elemento—lupa, tubig, hangin, at apoy. Ang mga elementong ito ay may takdang balanse. Kapag ang mga elemento ng katawan ay nasa tamang balanse, ang katawan ay malusog. Ngunit kung ito ay nawawala sa balanse (dahil sa kakulangan o kalabisan ng isa o higit pa sa mga elemento) ang mga bahagi ng katawan ay humihina. Kapag napabayaan, ang katawan ay bumibigay na sa sakit.

Engkanto o sakit? Noong unang panahon, ang pagkawala sa balanse at karamdaman sa katawan ay ipinaliliwanag ng albularyo sa paraang madaling maintindihan ng mga taong pumupunta sa kanila—bilang kagagawan ng mga engkanto na nauugnay sa elementong wala sa balanse. Halimbawa, kung ang elemento ng lupa ang wala sa balanse, sinasabi ng albularyo na ang tao ay naengkanto sa lupa, at ang kanyang karamdaman ay dulot ng mga kapre o duwende. Kapag ang elemento ng tubig ang wala sa balanse, sinasabi ng albularyo na ang karamdaman ay dahil sa mga sirena o siyokoy. Kapag ang elemento ng hangin naman ang may problema, kagagawan daw ito ng mga diwata. Kapag ang elemento ng apoy naman ang wala sa ayos, ang mga tiyanak at impernales ang tinuturong dahilan. 

Ang ganitong katawagan at kaugnayan, dahil ito ay likas na bahagi ng kultura at paniniwalang Pilipino, ay tinanggap ng buo ng mga tao noong unang panahon. Dahil dito, sa ganitong paraan din ipinasa ang kaalaman tungkol sa Hilot sa maraming salinlahi ng mga katutubong manggagamot—hanggang sa panahon ngayon, kung kailan maraming mga Pilipino ang hindi na naniniwala sa mga engkanto, at nagsasabing ang mga ito ay kathang isip lamang at hindi totoo.

Sa kasamaang palad, ang Hilot, dahil ito ay naugnay sa mga katawagang engkanto sa loob ng napakatagal na panahon, ay dumanas din ng katulad na kapalaran. Kasabay ng pag-isantabi ng paniniwala sa mga engkanto, ay isinantabi din ng marami ang paniniwala sa Hilot. Sa paglaganap ng kanluraning medisina at ng “modernong” paraan ng panggagamot, ang Hilot ay tinitingnan ng marami bilang isang makalumang paraan ng panggagamot ng mga matatanda na hango lamang sa mga pamahiin at mistulang walang basehan.

Ngunit, kung susuriing mabuti, makikita na ang Hilot ay naka-ugat sa siyensiya. Ang mga paraan ng panggagamot ng mga magagaling na albularyo ay batay sa mga batas ng kalikasan, at sa batas ng mga planeta (universal law, o sa wika ng mga albularyo, “batas ng Diyos”).

 

Ang Siyensiya ng Hilot

Kinailangan ang isang albularyong may kakaibang pinanggalingan upang maipaliwanag na ang Hilot ay nakaugat sa siyensiya, at hindi lang ito puro himala, engkanto, at kulam. Si Bibiano “Boy” Fajardo, na mula sa angkan ng mga doktor, aral sa isang ekslusibong paaralan, at nagtapos ng B.S. Chemical Engineering, ay masasabing hindi tugma sa imahe ng karaniwang nag-aaral ng Hilot upang maging isang albularyo. Ngunit dahil sa kanyang maagang karanasan sa Hilot, orasyon, at sa paghahanda ng mga halamang gamot (dahil tinutulungan niya ang kanyang tiyo na siyang nagtutuli ng mga kabataan tuwing bakasyon), siya ay nagkaroon ng interes na maging isang albularyo.

Hilot at Muscular Dystrophy. Ang interes ni Boy Fajardo sa Hilot ay lalo pang nadagdagan noong siya ay dalawampu’t pitong taong gulang at nalumpo dahil sa sakit na Muscular Dystrophy. Pabalik-balik siya sa ospital, ngunit walang gamot ang sakit na ito sa kanluraning medisina—sa katunayan ay lingid sa kaalaman niya, tinaningan na ng anim na buwan ang kanyang buhay. Ngunit sa tulong ni Tiya Puring Guevarra, isang magaling na albularyo na tubong Abucay, Bataan, na siyang nagsagawa ng Hilot at banyos sa kanya, siya ay nakalakad muli at tuluyang gumaling.

Ang siyensiya ng panggagamot. Habang lumalalim ang pag-aaral niya ng Hilot at lumalawak ang karanasan niya dito, napagtanto ni Boy Fajardo na ang ginagawa niyang panggagamot ay sumusunod sa mga batas ng kalikasan na inaral niya bilang estudyante ng siyensiya. Halimbawa na lang dito ang konsepto ng “init-lamig.” Ang tila misteryosong konsepto na ito ay alinsunod pala sa pangalawang batas ng thermodynamics (second Law of Thermodynamics)!

Noong 1980, nag-umpisang mag-aral si Boy Fajardo kay Mr. Agrifino Maranan sa Lemery, Batangas. Si Mr. Maranan, isang principal na nagturo rin ng chemistry, biology at logic, ay isa sa pinakamagaling na albularyo sa Pilipinas. Siya ang nagturo kay Boy Fajardo ng mas malalim na siyensiya ng panggagamot at ang tuluy-tuloy na proseso ng kalusugan gamit ang mga siyentipikong konsepto katulad ng entropy at enthalpy.

Siyentipikong balangkas (o scientific framework) ng Hilot. Dahil sa kaalamang natutunan niya kay Mr. Maranan, tuluyan nang naiugnay ni Boy Fajardo ang paraan ng panggagamot na natutunan niya mula sa mga matandang albularyo, at ang tila napakalayong larangan ng siyensiya. Pinagpatuloy niya ang panggagamot gamit ang kanyang bagong karunungan, hanggang sa nabuo niya ang isang siyentipikong balangkas (“scientific framework”) ng Hilot, kung saan maari ding ipaloob ang lahat ng ibang paraan ng panggagamot.

Mula noong mapagsama niya ang tradisyon at siyensiya ng Hilot sa kanyang panggagamot, ay nagsimula ding ipaliwanag ni Boy Fajardo ang Hilot gamit ang wika ng siyensiya.

Electromagnetic force. Ang dating hindi maipaliwanag na gawa ng Diyos, (o Espiritu),na walang ibang katawagan kundi “milagro,” ay ipinapaliwanag na ngayon ni Boy Fajardo sa siyentipikong paraan—bilang electromagnetic force o Emf. Ang pwersang ito ay sumasaklaw sa buong kalawakan at siyang pinagmumulan ng kuryente, liwanag, at magnetismo at nakakaapekto sa lahat ng nilalang sa ating planeta.

Mga bahagi ng katawan at sakit. Ang apat na elemento ng katawan ay hindi lamang guni-guni ng mga albularyo, kundi ang mga ito ay may katumbas na mga kongkretong bahagi ng ating katawan. Ang elemento ng lupa ay ang ating kalamnan at buto, ang elemento ng tubig ay katumbas ng ating dugo, ihi, at iba pang likido sa katawan, ang elemento ng hangin ay ang hangin na ating hinihinga, at ang elemento ng apoy ay katumbas ng enerhiya at metabolismo.

Ang pagkawala sa balanse o mga karamdaman na dati ay pinapaliwanag bilang kagagawan ng engkanto, sa katunayan ay mga sakit ng mga bahagi ng katawan na saklaw ng nasabing elemento.

Sa pamamagitan ng siyentipikong pagpapaliwanag kung paano nakakagaling ang Hilot (sa paraang biochemical, neuroelectrical, biomechanical, at electromagnetical), umaasa si Dr. Bibiano Fajardo na mailapit muli ang Hilot sa kasalukuyan, at sa mga susunod na henerasyon. Layunin niyang patunayan na ang karunungan n gating mga ninuno ilang dantaon na ang nakalipas ay nananatiling angkop sa ating panahon at makakatulong sa atin. Layunin din niyang ituwid ang mga maling akala tungkol sa Hilot, na ito ay isang uri ng masahe lamang.

——

*Ang artikulong ito ay hango sa aklat nina Dr. Bibiano Fajardo at Ma. Aleli Pansacola na pinamagatang, Hilot: The Science of the Ancient Filipino Healing Arts (Revised Edition) na inilathala ng Anvil Publishing, Inc.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s