Tradisyonal na Hilot

Noong unang panahon, kapag ang isang tao ay may karamdaman at nangailangan magtungo sa albularyo, siya muna ay magdadasal bago lumabas ng kanyang bahay. Siya ay mananalangin sa Maykapal na maging ligtas ang kanyang biyahe, at nawa’y siya ay gabayan patungo sa tamang albularyo na makakatulong sa kanya. Ang mga sinaunang Pilipino ay may natatanging paraan ng pagdadasal—habang sila ay taimtim na nananalangin, nararamdaman ng albularyo na may dadating sa kanya upang magpagamot.

Pagdating ng taong may karamdaman, malalaman ng albularyo kung iyon ba ang  naramdaman niyang darating sa pamamagitan ng maikling pakikipagtalastasan. Sa kabilang dako naman, malalaman din ng taong may karamdaman (na karaniwang sinasamahan din ng isang manggagamot), kung ang pinuntahan nilang albularyo ay tunay bang maalam sa panggagamot.

Pagkatapos ng maikling usapan na ito, patutuluyin ng albularyo ang taong may karamdaman sa bahagi ng kanyang bahay kung saan siya nanggagamot. Pauupuin niya ang kanyang bisita sa papag bilang paghahanda sa panggagamot.

Pagpulso/Pagtawas. Upang malaman ang sanhi ng karamdaman, pinupulsuhan ng albularyo ang tao.  Sa pamamagitan ng pagpulso, malalaman ng albularyo kung alin sa apat na elemento ng katawan ng tao (lupa, tubig, hangin, o apoy) ang hindi balanse.

Kapag natukoy na niya ito, ipapaliwanag niya ito sa paraang madaling maintindihan ng tao—bilang kagagawan ng engkanto na nauugnay sa elementong may problema. Halimbawa, kung ang elemento ng lupa ang wala sa balanse, sasabihin ng albularyo na ang tao ay na-duwende o di kaya ay napusuan ng kapre. Samantala, kapag ang elemento ng tubig ang may problema, kagagawan daw ito ng mga sirena at siyokoy. Kapag ang elemento ng hangin naman ang may problema, ito ay isinisisi sa mga diwata. Ang mga tiyanak naman ang tinuturo kapag may problema sa elemento ng apoy.

Bukod sa pagpulso, may mga albularyo naman na gumagamit ng orasyon upang malaman ang pinagmumulan ng karamdaman. Ang paraan ito ay higit na kilala bilang “pagtatawas.” May mga albularyong gumagamit mismo ng tawas, habang ang iba ay gumagamit ng dahon, o di kaya’y piraso ng papel, plastic, o kahit tansan. Kapag ginamitan ng orasyon, ang mga ordinaryong bagay na ito ay nakakatulong sa albularyo sa pagtukoy ng sakit.

Pagtitiyak. Kapag natukoy na ng albularyo ang elementong may problema, ang kasunod niyang gagawin ay ang pagkapa ng likod ng pasyente, upang matiyak kung aling bahagi ng katawan  ang siyang pinagmumulan ng karamdaman. Sa paghagod ng likod, malalaman ng albularyo kung aling bahagi ang apektado dahil sa mga bahaging mainit o malamig, may mga bukol, at naiiba ang katangian ng laman.

Kapag nalaman na ng albularyo ang bahaging may problema, tatanungin ng albularyo ang tao tungkol sa kanyang pagdumi at pag-ihi. Kung ang paglalarawan ay tugma sa mga sintomas na dulot ng pagkawala sa balanse nung mismong bahaging yun, ay sigurado na ang albularyo na tukoy na niya ang karamdaman ng pasyente.

Hilot at halamang gamot. Kapag natiyak na ng albularyo ang karamdaman ng tao, sisimulan na niya ang pagsagawa ng Hilot doon sa apektadong bahagi. Hihilutin niya ng mula sa 10-30 minuto ang bahaging iyon upang mapalakas ang daloy ng kuryente sa bahaging may karamdaman. Minsan, kapag kinakailangan, siya ay kukuha ng baso, papatakan ito ng kaunting alcohol, at sisindihan. Pagkatapos ay agad niya itong ilalagay ng pabaligtad  sa likod ng pasyente. Ito ay isang paraan ng Hilot na tinatawag na bentosa.

Bilang katutubong paraan ng panggagamot ng Pilipino, ang Hilot ay halos palaging may kasamang halamang gamot, at payo tungkol sa tamang pagkain. Pagkatapos hilutin ng albularyo ang tao, tuturuan niya ito kung anong mga halamang gamot ang dapat inumin, at kung anong mga pagkain ang dapat kainin o iwasan  upang mapabilis ang pagpanumbalik ng kalusugan. Kadalasan, ang mga halamang gamot na binibigay ng albularyo ay panlinis ng mga basura sa katawan. Kapag mikrobyo naman ang dahilan ng sakit, binibigyan ng albularyo ang tao ng mabisang halamang gamot na panlaban sa mga ito.

Kapag ang kalagayan ng tao ay hindi bumuti makaraan ang ilang araw o linggo, dadalasan ng albularyo ang paghilot, at gagamit na siya ng mas mabisang halaman at paraan ng paghilot.

Pagpanumbalik ng kalusugan. Depende sa kalagayan ng tao (kung ang karamdaman niya ay nag-uumpisa pa lang, o kung ito ay malala na), ang pagpapanumbalik ng kalusugan gamit ang Hilot at halamang gamot ay maaring mangyari sa isang paghilot lamang, o maaring kailanganin ang mas maraming paghilot.

Kapag masyado nang malala ang pagkawala sa balanse ng apat na elemento ng katawan ng tao, at matagal itong hindi binigyang pansin, maari itong magdulot ng pagkawala sa balanse din ng kanyang isip at damdamin. Ito naman ay mangangailangan ng ibang antas ng pagpapagaling.

——-
Kung nais niyong maranasan ang tradisyonal na Hilottumawag sa  Association of Traditional Health Aid Givers, Inc. (ATHAG) sa Tel. (0922)8844568 o (+632) 637 5154 para magpa-skedyul.

2 thoughts on “Tradisyonal na Hilot

  1. Gud eve po pwede ko po ba dalin ang asking AMA kxe tree days pno ngaun hndi nia po maigalaw kaliwang kamay nia thnk u po sa reply godbless po

    • Magandang umaga Kriz,

      Minsan po ang panghihina at pamamanhid ng kaliwang kamay ay sintomas na may mas malalim na problema. Minsan, nangangahulugan ito na may problema po sa pag-ikot ng dugo na kalaunan ay maaring magdulot ng stroke. Upang masigurado po natin na hindi iyon ang nangyayari sa ama mo, pinakamabuti po na dalhin niyo po muna siya sa doktor upang masuri at magamot kung sakali yun ang problema.

      Kapag sinabi po ng doktor na hindi naman iyon ang problema, saka niyo po dalhin sa opisina namin.

      Salamat po at naway malunasan ang karamdaman ng ama mo.

Leave a reply to Administrator Cancel reply